Wishing Tree (oneshot)

Maaliwalas ang umagang iyon, siya’y nakatingin lang sa labas ng bintana habang nakikinig ng mga paborito niyang Japanese song. Madalas siyang nakaheadset, iyon na ang naging pang araw araw niyang pamumuhay. Habang nakatingin sa labas ng bintana bumalik sa isipan niya ang ilang araw na niyang napapanaginipan. Isang matanda’t malaking puno na kasing liwanag ng araw, paulit-ulit niyang napapanaginipan iyon. Naputol na lang ang kaniyang iniisip nang may isang batang babae ang kumalampag sa kaniyang desk dahilan para siya’y mapalingon. Nakangiti lang ang taong ito sa kaniya, isang ngiting punung puno ng buhay.

“Tulala ka na naman diyan, hindi ko talaga maintindihan kung bakit ang hilig mong tumingin sa bintana.” Siya si Jazmine, ang boyish niyang kaibigan na hilig ng kaibiganin lahat ng taong nakikita. Isang masayahing batang babae na akala mo’y walang problema sa buhay.

“Anong kailangan mo?”Walang buhay niyang tanong.Ngumiti muna ang kausap bago sumagot.

“May long quiz mamaya, wag mong kakalimutang pakopyahin ako a.” Yan ang mga katagang sinabi niya. Hirap siyang humindi sa taong ito. Sino nga ba ang batang babaeng ito sa buhay niya? Ang taong ito ang kumukumpleto sa araw niya, ang kakulitan nito ang nagbibigay buhay sa kaniya. Madalas niya itong nakakasama sapagkat nasa iisang subdivision lang sila nakatira at palaging magkasama pauwi. Noong una naguguluhan siya kung ano ba talaga ang nararamdaman niya sa taong ito gusto niyang isiping magkaibigan lamang sila pero iba ang isinisigaw ng kaniyang puso. Lalo niyang naunawaan ang tunay niyang nararamdaman dito ng dumating ang araw na nagtapat sa kaniya ang isa niya pang kaibigang babae na malapit ding kaibigan ni Jazmine. Araw ng sabado at walang pasok liban sa mga estudyanteng kasali sa cheering squad. Tumawag sa kaniya ang babaeng ito at sinabing magtungo siya sa kanilang silid, hindi naman niya ito binigo. Walang ibang tao sa loob maliban sa taong ‘to na nakaupo at no’ng mga oras na pumasok siya loob lumingon agad ang taong ito.

“Hi! Vince.” Nakangiti siya.

“Bakit mo ako pinapunta rito?”

“Ah kasi — bukas may fireworks display sa plaza,  manood tayo.”

“Ah, ‘yon lang ba ang sasabihin mo?sana sinabi mo na lang over the phone.” Tumahimik lang ito, bumaba ang tingin at ilang sandali bago nagsalita.

“Ang totoo niyan — meron talaga akong gustong sabihin.” Malungkot nitong sabi saka dahan dahang lumapit sa binatilyo habang itong huli naman ay sinusundan lang ng tingin ang dalagita. Maya maya lang nagulat ito nang bigla siyang yakapin.

“Alam mo namang may gusto ako sa’yo di’ba?” Aniya. Hindi nagsalita ang binatilyo, nagtataka lang ito kung bakit ito sinasabi ng kaniyang kaibigan.

“I…………really like you…..Vince.”

Natigilan siya, hindi alam kung papa’no sasagutin ang kaibigan sa paraang hindi ito masasaktan. Sapagkat hindi naman ito ang gusto niya at oo naunawaan na niya kung ano ba talaga ang tunay niyang nararamdaman.

“Leah…aa..alam mo kasi..”

“Ssshh..wag ka ng magsalita.” Pigil nitong sa kaniya. Ayaw na niyang marinig pa ang sasabihin ng binata. Nagkaroon muli ng saglit na katahimikan at maya maya lang nagsliat ulit siya.

“Alam ko, alam kong hindi ako ang gusto mo — alam ko na rin kung anong isasagot mo pero kahit na gano’n — gusto ko pa ring sabihin sa’yo yung nararamdaman ko..

Ayoko kasing pagsisihan ko sa huli — na hindi ko nasabi yung gusto kong sabihin.”

Matapos niyang sabihin iyon humiwalay na siya sa pagkakayapos sa binata. Nakangiti siyang tumingin rito ngunit kahit pa may ngiti sa mga labi nito hindi niya pa din nagawang itago ang mga luhang tuluy tuloy sa pag agos sa kaniyang pisngi.

“Dapat ikaw rin, dapat mo ring sabihin do’n sa taong gusto mo yung totoong nararamdaman mo. Hindi naman natin alam kung anong mangyayari bukas o sa makalawa, sige ka ikaw din baka maunahan ka.” Aniya.

“Bukas 6:00 pm pumunta ka sa plaza, okay?” Dagdag niyang sabi na pinipilit na pagaanin ang loob. Na kunyari walang tapatang nangyari at okay lang ang lahat kahit pa sa kaloob looban niya para siyang dinudurog. Tumango na lang ang binatilyo, gusto lang nitong makabawi kahit na —  ayaw niyang pumunta.

Maaga pa lang ng pumunta siya plaza, marami rami ang tao at may mga kung anu-anong paninda sa tabi. May stall ng cotton candy, photo booth, dedication booth, bracelet, necklace, mugs at mga couple shirts.

Nag-ikot ikot siya sa lugar na iyon hanggang sa hindi niya namalayang napadpad na siya sa may bandang gitna ng plaza kung saan marami rami na ang mga halaman. Ang pinakakumuha ng kaniyang atensyon ay ang matanda’t malaking puno. Puno ng Accacia na may malabong na dahon. May kakaiba sa punong ito, sa kaniyang paningin tila ba nagliliwanag ito. Lalapitan pa sana niya ito nang biglang tumunog ang kaniyang phone. Si Leah ito at sinabing nandito na siya sa plaza sa may bandang platform kaya naman agad siyang naglakad pabalik sa lugar kung saan siya nakatambay kani-kanina lang.

Nang nandoon na siya sa lugar na iyon, ipinaikut-ikot niya ang tingin, hinahanap ang kaibigan. Napalingon na lang siya nang may kumalabit sa kaniyang balikat.

“Gusto mo munang mamasyal?” Tanong niya agad rito pero umiling lang ang dalaga.

“Siya na lang ang yayain mo.” Pagkasabi niya no’n tumalikod siya at tila ba may hinahanap. “Asan na ba ‘yon?” Mahinang tanong nito sa sarili pagkatapos ay naglakad. Lumapit sa pangatlong puno at may hinihilang tao mula sa likuran noon.

Laking gulat niya nang lumabas ang tao sa likod ng punong iyon. Si Jazmine, ang kaniyang boyish na kaibigan na ngayon ay nagmukha ng isang babae. Nakadress ito at nakalugay ang hindi naman gano’n kahabaan niyang buhok. Nakaheels rin ito at nakalipgloss. Hindi niya maiwasang hindi humanga sa ganda ng kaniyang kaibigan. Hindi niya alam kung anong trip ni Leah at iniwanan silang dalawa gayun pa man natutuwa siyang isipin na ang makakasama niya sa pamamasyal na ito ay ang babaeng matagal na pala niyang gusto. No’ng una’y pareho pa silang naiilang pero di kalaunan naging panatag na rin sila sa isa’t isa. Nagsimula silang mamasyal, pumasok sa photobooth, kumain ng cotton candy, namili ng sumbrero at kung anu ano pa. Sa patuloy nilang paglalakad napalayo sila sa karamihan ng tao at napadpad sa may bandang dulo ng parke. Ang lugar kung saan marami ng mga halaman at puno. Ang lugar kung saan siya nanggaling kanina lang. Muli niyang nasilayan ang malaking punong ito. Tila hindi naman makapaniwala si Jazmine sa kaniyang nakita, ni hindi niya nga ikinukurap ang kaniyang mga mata habang dahan dahang lumalapit sa punong ito.

“Ito ‘yon.”Sambit ng dalagita. “Yong puno sa panaginip ko.” Dagdag niya na siya ring ikinagulat ng binata.

“N-napanaginipan mo?”Pag-uulit niyang tanong. Tumangu tango ang dalagita saka nang tuluyan ng makalapit ay dahan dahang inilapat ang palad sa punung kahoy.

“Sa panaginip ko nagliliwanag raw ang punong ito at nakatayo ako sa harapan bukod pa do’n may isa pang tao — pero hindi ko makita ng mabuti ang taong ‘yon. Masyado kasing maliwanag.”

Napa-ibaba siya ng tingin, katulad ng panaginip niya. Nagliliwanag din ang punong ito.

“Hawakan mo tol, para siyang may buhay — para siyang humihinga.” Anang dalaga na diretso lang ang tingin saka pumikit na tila dinadama ng maigi ang bagay na ito. Sumunod din siya, inilapat ang isang palad sa punong kahoy saka dahan dahang pumikit. Katulad nga ng sinabi ni Jazmine para itong humihinga, nararamdaman niya ang pulso nito. Napapakunot noo siya lalo pa’t may namumuong imahe sa kaniyang isipan. Liwanag, napakaliwanag dahilan kaya hindi niya maidilat ng mabuti ang kaniyang mga mata. May unti unting lumalabas mula sa liwanag na ito, isang korteng  tao, pero hindi niya maaninag ang mukha nito.

“Alam mo ba ‘yong wishing tree?”

Nawala ang lahat ng imahe nang magsalita si Jazmine.  Hindi siya agad nakapagsalita, nanahimik lang siya at hinintay ang susunod na sasabihin ng dalaga.

“Ang sabi do’n sa kwento pag humiling ka sa mahiwagang punong  ‘yon kahit ano matutupad pero may kapalit at ang kapalit depende sa kung gaano kabigat yung hiniling mo. Eh kung humiling kaya ako ng isang planeta.”

“Sira, ano naman ang gagawin mo sa isang planeta?”

“Wala lang, may mahiling lang.”

“Pa’no kung ang kapalit no’n mawawala ang earth?”

“Eh….di………wag na lang.”

“Psh! sa’ng libro mo naman nabasa yan?”

“Sinabi sa’kin ng lolo ko na sinabi lang din daw sa kaniya ng lolo niya. At hinulaan ko, sinabi lang din ‘yon sa kaniya ng lolo ng lolo ng lolo niya.”

Natawala lang siya sa sagot nito, kahit kailan hindi ito naliban na pasayahin siya. Nagsimula na ring magsiputukan ang mga fireworks kaya napatingala sila. Naaaliw samga makukulay at iba’t ibang hugis nito kaya lang sa kalagitnaan ng panonood bumalik sa isipan niya ang mga sinabi ng dalaga. Ang wishing tree, nabanggit na rin ito ng tatay niya. Ang alamat ng isang mahiwagang puno na kayang ibigay ang ano mang bagay na hilingin mo pero bawat hiling may kaakibat na kapalit. Hindi niya iyon pinaniniwalaan dahil para sa kaniya walang totoong mahika, na tanging sa mga kwento lamang iyon nagaganap.

Iyon ang nakatatak sa isipan niya pero hirap siyang ipaliwanag kung ano ba ang ibig sabihin ng mga panaginip niya. Hindi man araw araw pero madalas niyang napapanaginipan ang tungkol sa nagliliwanag na punong iyon. Paulit-ulit, nakaluhod siya’t hindi maidilat ng mabuti ang mga mata at may korteng tao siyang maaninag pero gano’n at gano’n pa din. Hindi niya pa din makita ang buong katawan nito — ang mukha nito pagkatapos may mga petals ng papalibot dito at saka ito mawawala. Ang isa pang gumugulo sa isipan niya ay ang mga kwento ni Jazmine tungkol sa mga panaginip nito. Hindi man parehong pareho, pero iisa lang ng punto — nasa parehong lugar na iyon sila. Nahihiwagaan siya kung bakit gano’n hanggang sa dumating ang araw na ito.

Magkasabay silang naglalakad pauwi nang magsalita ulit si Jazmine.

“Oi tol, may sasabihin ako sa’yo.”

“Palagi ka namang may sinasabi e.”

“Hindi, seryoso ‘to, nakakatakot. Di’ba kinukwento ko sa’yo ‘yong tungkol do’n sa punong madalas kong napapanaginipan? This time mas malupit na siya.” Hindi siya nagsalita, inantay niyang magpatuloy ito sa sinasabi.

“Natakot ako do’n sa panaginip ko, kasi — nawawala ka raw,  basta parang unti-unti kang nawawala.”

Maaninag sa mukha nito ang takot at pag-aalala habang nagsasalita. Matapos ay sandal siyang nanahimik saka tumingin sa binatilyo at ngumiti.

“Pero panaginip lang ‘yon diba?” Matagal din bago sumagot ang binata sa halip na sabihin ito kinuha na lang niya ang bracelet sa kaniyang bulsa. Iyon ang bracelet na ipinagawa niya no’ng araw na nasa plaza siya. May naka-ukit doon, pangalan niya. Inilagay niya ang bagay na ‘yon sa kamay ng dalaga habang itong huli naman ay nagtataka.

“Teka – ba’t pangalan mo?”

“Para kahit sa’n ka magpunta alam mong kasama mo ako, na hindi kita iiwan kaya wag mo yang iwawala, pag nawala yan wag mo na akong kakausapin.” Ngumiti lang si Jazmine, ang mga salitang ‘yon ay sapat na para mapanatag siya. Espesyal sa kaniya ang taong ito, higit pa nga sa kaibigan ang turing niya rito at pag sinabi nitong hindi siya iiwan – panghahawakan niya iyon.

Ang akala nila masaya na ang lahat pero nagbago ito nang dumating ang isang masamang balita. Kinagabihan ng araw ding iyon ilang minuto lang matapos nilang maghiwalay nalaman niya ang isang pangyayaring labis na dumurog sa kaniyang damdamin.  Ang babaeng matagal ng espesyal sa kaniya ay iniwang nakahandusay sa kalye at hindi na nagawa pang maisalba ang buhay. Higit pa sa paninikip ng dibdib ang naramdaman niya, nanghihina ang buo niyang katawan tumatagos ang sakit sa kalamnan niya. Ayaw niyang paniwalaan pero ‘yon ang katotohanan.  Nang araw na iyon tuluyan ng nawala si Jazmine sa kaniya at ni hindi niya pa nasasabi rito ang tunay niyang nararamdaman. Ang buong gabi’y napuno ng mga luha, walang tigil.Sa kaniyang pagmumukmok sa isang tabi sa labas ng hospital naalala niya ang mga araw na iyon.

 

“Alam mo ba ‘yong wishing tree?”

“Ang sabi do’n sa kwento pag humiling ka sa mahiwagang punong  ‘yon kahit ano matutupad pero may kapalit at ang kapalit depende sa kung gaano kabigat yung hiniling mo. Eh kung humiling kaya ako ng isang planeta.”

 

Biglang bumalik sa isipan niya ang mga salitang iyon, ang araw na nakasama niya si Jazmine. Nagsunud sunod din ang mga bagay na ‘yon, lahat ay bumalik sa kaniyang isipan.

“Oi tol, may sasabihin ako sa’yo.”

“Palagi ka namang may sinasabi e.”

“Hindi, seryoso ‘to, nakakatakot. Di’ba kinukwento ko sa’yo ‘yong tungkol do’n sa punong madalas kong napapanaginipan? This time mas malupit na siya

“Natakot ako do’n sa panaginip ko, kasi — nawawala ka raw,  basta parang unti-unti kang nawawala.”

 

“Ang alamat ng mahiwagang puno, na sinasabi nilang may kakayahang tuparin ang anomang bagay na iyong hilingin.” Pitong taong gulang siya no’n ng ikwento iyon ng kaniyang Tito sa kanilang magkakaibigan. “May isang binata noon na labis na nagdurusa dahil sa walang lunas na sakit ng kaniyang mahal. Umiiyak siya noon sa lugar kung saan nakatanim ang isang matanda’t malaking puno. Hating gabi ng umupo siya sa lilim noon at tila nawawalan na ng pag-asa, nais na rin ng binatang ito na wakasan ang kaniyang buhay kung mawawala lang din naman ang kaniyang minamahal. Pero, biglang nagliwanag ang buong paligid, sa sobrang liwanag hindi na niya maidilat ng mabuti ang kaniyang mga mata. May kakaibang boses siyang narinig, kinakausap siya ng isang nilalang na hindi niya makita. At doon siya humiling ngunit hindi niya inaasahan ang magiging kapalit ng hiling na ‘yon.”

 

Ang paulit-ulit niyang napapanaginipan, ang isang napakaliwanag na puno. Ang isang imahe ng tao na hindi niya maaninag ng mabuti, ang lahat ng iyon na buo na sa kaniyang isipan. Ang mga panaginip nilang dalawa ng dalaga ay isa palang pangitain sa isang malungkot na pangyayari. Nagtungo siya sa lugar kung saan niya nakita ang matandang punong iyon. Wala na siyang pakialam sa magiging kondisyon, ang gusto niya lang ay makita muling may buhay ang babaeng minahal na niya. Gusto niya itong yakapin ng mahigpit at sabihin rito ang tunay niyang nararamdaman. Lukot na ang mukha niya habang nakatingin sa puno, hinihintay na mag liwanag ito. Hinihintay na may mangyayaring himala, na magkakaroon nga ng katuparan ng isang hiling ngunit ilang minuto pa ng paghihintay — walang nangyari. Nanghina siyang muli at dahan dahang napaluhod, patuloy na umaagos ang luha habang sinusuntok ang madamong lupa. Hinihiling sa diyos na sana hindi ito ang katotohanan, na sana isa lang itong masamang panaginip.

“Bakit?bakit kelangan siyang mawala? napakabata niya pa, pakiusap, ibalik niyo siya.” ‘Yang ang kaniyang binigkas sa likod ng basag niyang boses.Unti-unti nagliwanag ang paligid, naramdaman niya ito kaya siya nahinto. Inangat niya ang kaniyang paningin at sa gitna ng kawalan nabuo ang isang imahe, hindi niya pa ito tuluyang maaninag hanggang sa nakompleto na ang buong katawan nito. Nabawasang ang liwanag na kanina lang ay halos bumulag sa kaniyang mga mata. Labis ang kaniyang pagkabigla, magkahalong saya at lungkot ang ngayon ay kaniyang nararamdaman. Saya dahil muli niyang nasilayang may buhay ang babaeng mahal niya at lungkot dahil walang kasiguraduhan ang pagkikitang ito, na baka isa lamang itong maganda’t masakit na panaginip. Nakangiti ang dalagita sa kaniya.

“Ano bang ginagawa mo diyan?” Tanong nito pero sa halip na sagutin ay agad siyang lumapit at niyakap ito ng mahigpit.

“Mahal na mahal kita Jazmine, mahal na mahal kita kaya please lang wag kang mawawala.” Punung puno ng determinasyon niyang sabi habang patuloy sa pagkakayapos sa dalaga, itong huli naman ay ngumiti lang. Isang ngiting punung puno ng kulay.

“Tol, masaya akong marinig ‘yan, kasi, gano’n din ako sa’yo.”

“Mahal na mahal na mahal na mahal din kita kaya nga ayokong may liligawan ka, kasi, gusto ko ako lang.”

Walang paglagyan ang tuwang nararamdaman nilang dalawa, bata pa man silang ituring pero alam nila kung ano ang tunay nilang pagtingin sa isa’t isa. Gusto man nilang magtagal sa pagkakayakap, manatiling malapit sa isa’t isa sadyang may mga bagay talagang humahadlang.  Unti-unti lumalayo ang binata, may mga pink petals ang pumalibot sa kaniyang katawan at dahan dahan siyang iniaangat. Nagtatakang sinundan ito ng tingin ni Jazmine hanggang sa mapagtanto niyang ang mga petals na ito ay unti-unting naglalaho mula sa ere kasama ang ilang bahagi ng katawan ng binata.

“Hindi, anong nangyayari?sa’n niyo siya dadalhin?” Naiiyak nitong tanong.

“Paalam Gaile, patuloy ka lang na mabuhay. Mahal na mahal kita.”‘Yan ang mga huling salita ng binata — si Vince bago tuluyang maglaho kasama ng mga petals na parang bula.

Umulit ang lahat, nagbago ang mga bagay bagay sa mundo ni Jazmine. Nabura lahat ng ala-ala tungkol sa binata, walang kahit na sinoman ang nakakakilala sa kaniya. Ang mga panahon kung saan nararapat na magkakilala silang dalawa ay nabago, napalitan ng mga bagong tauhan sa kwento ng kaniyang buhay.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s